Mula sa isang magandang kampanya sa All-Filipino tournament, tila hindi pa makuha ng Flying Titans ang kanilang tamang ritmo sa import-laden na kumpetisyon na ito.
Bilang pinakamalaking offseason acquisition ng Choco Mucho, nagbigay ng kakaibang pananaw si Dindin Santiago-Manabat ukol sa kung ano ang kulang sa kanilang laro nitong mga nakaraang laban.
"Siguro mas maging focused pa kami sa ginagawa namin. More on, kasi 'yung communication andoon na. Siguro may mga times lang din na hinahanap kami na player na dapat hindi, ganon," ani Santiago-Manabat matapos ang pagkatalo laban sa Akari.
Dahil sa tungkulin sa national team, nawawala ang dalawang importanteng manlalaro ng Flying Titans — sina Sisi Rondina at Cherry Nunag.
Kitang-kita ang kakulangan nila mula sa umpisa ng kompetisyon, lalo na noong Martes nang talunin sila ng Akari sa isang reverse sweep.
Pero sa mga darating na mahalagang laro kung saan wala pa rin sina Rondina at Nunag, binigyang-diin ni Santiago-Manabat ang kahalagahan ng bawat isa na mag-step up, lalo na para suportahan ang import na si Zoi Faki.
"Kailangan namin bawat isa mag-step up. Kasi ito, Reinforced nga. Usapang import na 'to. I mean usapang import pero hindi dapat kami umasa sa import. Kasi nandito kami, team kami, volleyball team kailangan may teamwork. So siguro mas more on mag-focus pa kami sa mga tinuturo, sa sistema ni coach Dante [Alinsunurin], kung paano namin maa-apply," dagdag niya.
Sa maikling torneo na ito dahil sa natatanging format ng Reinforced Conference, ipinaabot ni Santiago-Manabat ang pangangailangan na mag-improve agad ang kanilang laro at bumalik sa kanilang dating anyo. Lalo na siya mismo, na aminadong marami pang dapat ayusin sa bagong team niya.
"Actually, sa performance ko, kulang pa. Nakukulangan pa 'ko," aniya.
"Alam ko na isa ako sa mga beterano, isa ako sa mga inaasahan ng team, pero siguro mas kailangan ko lang din na magtiwala sa sistema, sa programa, and 'yun nga uulitin ko lang ulit na masyado pang maaga para ma-down kasi every game, 'yun nga eh, bilog ang bola, lahat may pag-asa."
Kahit mabagal ang simula, hindi pa rin sumusuko si Santiago-Manabat sa kanyang team. Sa halip na mag-focus sa mga hindi pa nagagawa, tinutukan niya ang mga aral na natutunan nila hanggang ngayon na sana'y makatulong sa kanila na makabawi sa mga susunod na laro.
"Kaya for me, hindi man namin nakuha [yung panalo] ngayon, siguro may tinuturo lang sa 'min na hindi all the time nasa top ka. Kailangan talaga na paghirapan mo kung anong meron ka," patuloy niya.
"I mean, siyempre, lagi na silang nasa final four pero hindi naman don natatapos 'yung pagsubok e. Everyday laging may pagsubok 'yan na kailangan naming lagpasan."
Magpapatuloy ang paghahanap ng Flying Titans para sa kanilang unang panalo sa conference na ito laban sa revamped ZUS Coffee Thunderbelles sa Sabado, Hulyo 27, sa PhilSports Arena.