— Pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang mga Pilipino na maghinay-hinay sa pagkain ng maalat, matatamis, at mamantika ngayong kapaskuhan upang makaiwas sa sakit gaya ng altapresyon, diabetes, at obesity.
Ayon kay DOH Assistant Secretary Albert Domingo, ang wastong pagkain at ehersisyo ay susi para mapigilan ang mga non-communicable diseases o NCDs.
“Dapat kapag kakain tayo, kalahati ng plato natin puno ng prutas at gulay. Isang-kapat lang ang para sa kanin, at ang natitirang isang-kapat, para sa meat or fatty foods,” aniya sa panayam ng PTV News noong Lunes, Disyembre 9.
Bagamat maraming Christmas favorites tulad ng ham, leche flan, crispy pata, at pasta ang talagang masarap, mataas din ito sa sodium, cholesterol, o sugar. Dahil dito, paalala ng DOH: Moderation is key.
Paano Makakaiwas sa Sakit?
Ipinaliwanag ni Domingo na ang sobrang alat o sodium ay maaaring magpataas ng blood pressure at magdulot ng stroke o heart attack. Ang cholesterol naman, kapag sobra-sobra, ay nagdudulot ng pagbabara sa ugat.
Bukod sa tamang diet at exercise, binigyang-diin niya rin ang pag-iwas sa sobrang pag-inom ng alak. "Ang alcohol ay hindi lang masama sa atay, delikado rin ito sa mga aksidente, lalo na sa kalsada," dagdag niya.
Food Safety Tips Para sa Noche Buena at Media Noche
Hindi rin nakalimutan ng DOH na magbigay ng paalala tungkol sa food safety. Madalas kasing may leftovers pagkatapos ng handaan.
- Iwas Food Poisoning: Mas maigi raw na i-wrap ang dry food kaysa sa mga pagkaing may sauce dahil mas mabilis masira ang mga ito.
- Two-Hour Rule: Huwag hayaang nakatiwangwang ang pagkain sa lamesa nang higit sa dalawang oras dahil maaaring magka-bacteria.
- Tamang Timing ng Luto: Para sa mga cream- or tomato-based dishes, mas mabuting timplahin ang oras ng pagluluto para hindi nakababad ang pagkain bago ito ihain.
Sabi ni Domingo, handa ang DOH hospitals para sa anumang emergencies ngayong Pasko, mula sa high blood pressure hanggang sa fireworks-related injuries.
Ngayong holidays, tandaan: ang kalusugan, regalo na hindi mabibili. So, enjoy in moderation!