Ang tanyag na 36-anyos na kampeon ng World Cup, si Lionel Messi, ay nagpahayag na ang Inter Miami na ang magiging huling club na paglalaruan niya.
"Ito na siguro ang huling club ko," sabi ni Messi sa isang panayam sa ESPN. Kasalukuyang naghahanda si Messi kasama ang kanyang national team para sa Copa América sa Estados Unidos, kung saan sila ang defending champion.
Walang naiwan na dapat patunayan ang dating bituin ng Barcelona sa larangan ng football, lalo na’t nakuha na niya ang pinakamalaking tropeo—ang World Cup—noong 2022 sa Qatar. Nagtamo na rin siya ng record na walong Ballon d’Or awards at iniwan ang European football noong nakaraang taon upang sumali sa MLS club.
Ang kontrata ni Messi sa Inter Miami ay magtatapos sa katapusan ng 2025 season.
"Mahirap ang naging desisyon na iwanan ang Europa at pumunta rito," ani Messi. "Ang pagiging world champion ay malaking tulong, at nagkaroon ako ng bagong pananaw. Pero hindi ko na iniisip yun. Sinusubukan ko lang mag-enjoy. Alam kong kaunti na lang ang natitira kaya sinasamantala ko ito."
Maraming Argentine fans ang umaasa na matatapos ni Messi ang kanyang karera sa Newell’s Old Boys, ang club na naghubog sa kanya noong bata pa siya sa Rosario.
Puno ng saya si Messi sa huling yugto ng kanyang karera.
"Masaya ako sa club, may mga kaibigan at dating kasamahan (Luis Suárez, Sergio Busquets at Jordi Alba) ako rito," aniya. "Ganun din sa national team, maraming kaibigan at kasama.
"Inienjoy ko ang bawat maliit na detalye dahil alam kong mamimiss ko ito kapag hindi na ako naglalaro," dagdag pa ni Messi. "Buong buhay ko itong ginagawa. Mahilig akong maglaro ng bola at ine-enjoy ko ang training, ang pang-araw-araw na buhay, at ang mga laban. At oo, laging may takot na matatapos na ang lahat."
READ: Nasira ang Ilong ni Mbappe sa Panalo ng France sa Euro 2024