— Naranasan mo na ba yung parang umiikot ang mundo mo, na halos kapit-tuko ka na lang para di matumba? Minsan, parang ganito din kapag nasobrahan ka sa inom, o pagkatapos ng rollercoaster ride, o kaya’y nasusuka ka habang naglalayag sa maalong dagat.
Baka naman pansamantalang pagkawala lang ito ng balanse at nakabawi ka rin agad. Pero ingat, dahil baka sintomas na ito ng mas seryosong medikal na kondisyon.
“Apektado ng higit pa sa mga muscles at buto mo ang kakayahan mong umupo, tumayo, at maglakad nang hindi natutumba,” sabi ni Franco Louie L.B. Abes, MD, mula sa Department of Otorhinolaryngology ng Makati Medical Center (MakatiMed). “Kasama rin dito ang mata, loob ng tainga, nerves, puso, utak, muscles, at mga blood vessels. Kapag may isa dito na hindi gumagana nang maayos, maaaring maapektuhan ang balanse mo.”
Ayon kay Dr. Abes, ang mga health-related balance problems ay maaaring manggaling sa tatlong pinagkukunan:
1. Vestibular System
“Karaniwan itong may kinalaman sa loob ng tainga. Ilang gamot, impeksyon, maling posisyon ng calcium crystals sa tainga, sobrang fluid (Meniere’s Disease), o benign tumor (Acoustic Neuroma) ay maaaring makaapekto sa balanse,” paliwanag ni Dr. Abes.
Ilan sa mga sintomas ay pagkahilo, vertigo, kawalan ng balanse, malabong paningin, at pagbagsak.
2. Vascular System
“Ang vascular system ang nagkokontrol ng daloy ng dugo sa utak. Mahinang sirkulasyon, biglaang pagtayo o pag-upo (orthostatic hypotension), at stroke ay pwedeng magdulot ng pagkahilo, lightheadedness, at pakiramdam ng pamumutla,” dagdag ni Dr. Abes.
3. Nervous System
Ayon kay Dr. Abes, ang nervous system na binubuo ng utak, spinal cord, at iba pang nerves, ay maaari ding magdulot ng imbalance issues.
“Ang Parkinson’s disease, Alzheimer’s disease, cervical spondylosis, multiple sclerosis, pati na rin ang infarct o concussion ay maaaring magresulta sa pagkawala ng balanse,” ani ng doktor.
Ang isang masusing clinical examination at karagdagang diagnostic tests ay makakatulong sa mga doktor na malaman ang puno’t dulo ng problema sa balanse mo.
“Makipagkita ka agad sa otolaryngologist, na espesyalista sa mga sakit at karamdaman ng tainga, ilong, leeg, at lalamunan,” payo ni Dr. Abes. “Kung dislodged crystals ang sanhi, maaaring gawin ang Epley maneuver para maibalik ang mga calcium crystals sa tamang lugar. Ang steroids at vestibular rehabilitation therapy ay maaaring makatulong sa inner ear infection at Meniere’s disease.”
Rekomendado rin ni Dr. Abes ang proper vestibular evaluation at imaging tests ng iyong ulo at utak kung hindi maayos ng initial examinations at treatments ang problema.
“Ang punto ay huwag magpatumpik-tumpik sa pagpapakonsulta,” ani Dr. Abes. “Ang kawalan ng balanse ay hindi lang nakakaapekto sa pang-araw-araw na gawain mo. Maaari itong magdulot ng mas malalang problema gaya ng pagbagsak na pwedeng magresulta sa bali o head trauma. Sa maagap na aksyon, maiiwasan mo ang mga komplikasyon na mas makakasama sa kalusugan mo.”