Sumailalim sa matagumpay na hip surgery si aktres Angelica Panganiban sa St. Luke's Medical Center dahil sa kondisyon niyang avascular necrosis o 'bone death'. Sa isang video mula sa kanilang YouTube channel, nagpasalamat siya sa kanyang asawang si Gregg Homan sa walang sawang pag-aalaga sa kanya.
"Hi guys! Isang linggo na mula nang mag-surgery kami. Nasa recovery phase pa rin, medyo anxious pero dahil sa dasal ng pamilya at kaibigan, nalagpasan namin!" kwento ni Angelica.
"Super thankful ako sa aking mabait na asawa na grabe ang pag-aalaga! Thanks hon, alam mo na ‘yun. First time na wala kami ni Gregg, miss na miss na namin si Baby Amila," dagdag pa niya.
Ipinakita rin ni Angelica ang proseso bago ang kanyang operasyon. "Good morning, day 2 na nasa ospital ako. Ang dami ko nang lab tests at scans, may 2D echo, ECG para ma-clear ako. Blood tests na rin pero may kailangan ulitin kaya naka-fasting ako.
"Nagkandaiyak-iyak ako kagabi dahil first time namin ni Gregg na mag-spent ng night na hindi kasama si Bean. Unusual lang talaga na magkasama kami pero hindi namin kasama ang anak namin.
"Kahit gaano kaganda ang ospital, iba pa rin ang pakiramdam sa ospital. Miss na miss ko na ang anak ko dahil gabi-gabi ko siyang katabi, tapos biglang wala siyang katabi," emosyonal na paglalahad ng aktres.
Mas excited daw si Angelica sa surgery kaysa takot, umaasa na matatapos na ang dalawang taon niyang pagdurusa sa chronic pain. Tumagal ang operasyon ng pitong oras.
"Hi, nasa recovery room ako ngayon, sobrang nanghihina at masakit. Di ko ma-explain ang sakit. Damang-dama ko pa ang maga ng legs ko, medyo praning ako na sana hindi tamaan kapag na-excite siya sa akin kasi dito sa ospital naiwas pa namin, ewan ko lang sa bahay kung paano na.
"Yung pain levels ko, mas maluwag ang balakang ko, may ginhawa na ako nararamdaman finally. Siyempre masakit pa rin yung pain from surgery, masakit mga muscles ko pero it's getting better every day.
"Low dosage na rin ang mga pain reliever na iniinom ko, oral na lang wala na yung mga medyo nakakahilong gamot. Hopefully maka-recover kaagad pero three weeks akong bedrest, tingnan natin," pagtatapos ni Angelica.
Sumailalim si Angelica sa operasyon dahil sa avascular necrosis o bone death. — Video mula sa The Homans YouTube channel