— Tuwing Hunyo, ipinagdiriwang sa maraming parte ng mundo, pati na rin sa Pilipinas, ang Pride Month para kilalanin at ipagdiwang ang lesbian, gay, bisexual, transgender, at queer (LGBTQ+) community.
Pero bakit nga ba Hunyo ginaganap ang LGBTQ+ Pride Month?
Ito ay bilang paggunita sa 1969 Stonewall Uprising sa Manhattan, na naganap noong Hunyo at nagsilbing malaking hakbang para sa Gay Liberation Movement sa Estados Unidos. Noong Hunyo 28, 1969, sinalakay ng mga pulis ang Stonewall Inn, isang gay bar sa Greenwich Village ng New York.
Ngunit imbes na sumunod sa mga utos ng pulis, lumaban ang mga tao at nagsimula ang serye ng mga riot at protesta. Dito nagsimula ang kilusan para sa karapatan ng mga LGBTQ+ at tuluyang nagbago ang pagtingin ng lipunan sa komunidad na ito.
Sa simula, ang huling Linggo ng Hunyo ay ipinagdiriwang bilang Gay Pride Day. Ngunit sa paglipas ng mga taon, mula sa isang araw na pagdiriwang, ito’y naging isang buwang selebrasyon na may mga parada, workshops, at konsyerto.
Ngayon, opisyal na kinikilala ang buong buwan ng Hunyo bilang LGBTQ+ Pride Month. Ito ang panahon para alalahanin ang mga miyembrong naging biktima ng hate crimes, ipagmalaki ang mga tagumpay ng komunidad, at ipagdiwang ang kanilang kakaibang indibidwalidad.
Ang mga gay parade ay nagsisilbing plataporma para sa kanilang pagpapahayag ng sarili; ang mga workshop at symposia naman ay paraan para ibahagi ang kanilang mga talento, at ang mga party ay pagkakataon para makilala ang iba pang mga tao.
Sa panahon ng Pride Month, makikita ang iba’t ibang LGBTQ+-related na aktibidad. Ngayon, higit na nangingibabaw ang positibo habang ipinagmamalaki ng komunidad ang kanilang makulay na bahaghari.