CLOSE

DOH Nagbabala Laban sa Paghalik sa Alagang Hayop Kahit Bakunado na Dahil sa Pagtaas ng Kaso ng Rabies sa Tao

0 / 5
DOH Nagbabala Laban sa Paghalik sa Alagang Hayop Kahit Bakunado na Dahil sa Pagtaas ng Kaso ng Rabies sa Tao

Tumaas ang human rabies cases ngayong taon. DOH nagbabala laban sa paghalik sa mga alagang hayop kahit bakunado na. Alamin kung bakit.

— Naglabas ng babala ang Department of Health (DOH) sa publiko na iwasan ang paghalik o magpahalik sa mga alagang hayop habang patuloy na tumataas ang kaso ng rabies sa tao ngayong taon.

Mula Enero hanggang Mayo, naitala ang 169 kaso ng rabies sa tao, na 13% na mas mataas kumpara sa parehong panahon noong 2023.

Pinakamaraming kaso ang naitala sa Rehiyon XII o SOCCSKSARGEN (South Cotabato, Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani, at General Santos) na may 21 kaso, sinundan ng Region IV-A (CALABARZON: Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) at Region V (Bicol) na parehong may tig-18 kaso.

Sa mga naiulat na kaso, 160 ang nauwi sa pagkamatay. Sa mga ito, 92% ay may history ng kagat ng aso, 6% ay kagat ng pusa, at ang natitira ay kagat ng iba pang hayop.

Ayon kay Health Assistant Secretary Albert Domingo, delikado ang laway ng hayop sa tao tulad ng kagat at kalmot dahil maaring magdala ito ng rabies, kahit pa bakunado ang hayop. Pinaliwanag niya na maaaring gumaling ang kagat, ngunit ang rabies ay maaaring tumagal bago lumabas depende sa layo ng kagat mula sa ulo. Binigyang-diin ni Domingo na mahalagang magpakonsulta sa mga health professional para sa tamang pagsusuri at posibleng post-exposure prophylaxis, lalo na't maaaring umabot ng hanggang isang taon bago lumitaw ang sintomas.

Pinapayuhan ng DOH ang mga pet owners na tiyaking nabakunahan ang kanilang mga alaga laban sa rabies sa edad na 3 buwan at taun-taon pagkatapos nito.

Noong Abril, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na halos 22 milyong aso at pusa ang dapat mabakunahan laban sa rabies sa Pilipinas. Binanggit niya ang pangangailangan ng budget na hindi bababa sa P110 milyon, na sinuportahan naman ng DOH para sa malawakang programa ng pagbabakuna ng mga hayop.

"Iwasan natin ang kamatayan dulot ng rabies, magpabakuna na ng alagang hayop," sabi ni Health Secretary Teddy Herbosa. "Hindi lang nito pinoprotektahan ang mga hayop kundi malaki ang nababawas sa tsansa ng pagkahawa nito sa tao."