— Ang kidney stones, na maaaring kasinlaki ng butil ng buhangin hanggang bola ng golf, ay nagdudulot ng matinding sakit sa tagiliran o abdomen. Ang sakit na ito ay maaaring maging labis na hindi matiis na hospital na lamang ang solusyon para maibsan ito.
Habang nararanasan ang sakit na tila hindi kakayanin, marahil naiisip kung paano nagkakaroon ng bato sa kidney at kung paano ito nabubuo.
"Ang kidney stones, o renal calculi, ay mga irregular na hugis na solidong masa ng minerals at asin na nabubuo sa urinary tract, na binubuo ng dalawang kidney, bladder, urethra at ureters," ayon kay Dr. Eladio Miguel M. Peñaranda Jr., Chair ng Nephrology sa Makati Medical Center (MakatiMed).
Iba’t ibang medikal na kondisyon, ilang mga gamot, at ang pagkain ay nagdudulot ng pagbuo ng kidney stones. "Ang calcium stones ay nabubuo dahil sa sobrang pagkain ng potato chips, mani, tsokolate at spinach. Ang mga bato na gawa sa uric acid ay dahil sa diet na mayaman sa purine, isang substansya na matatagpuan sa seafood at karne. Ang mga taong madalas magkaroon ng urinary tract infections ay nagkakaroon ng kidney stones na gawa sa phosphate mineral na struvite. At ang bihirang genetic disorder na cystinuria ay nagdudulot ng mga bato na gawa sa amino acid na cystine," dagdag ni Dr. Peñaranda.
Kung ang mga kidney stones ay maliit lamang, maaaring hindi maramdaman ang mga ito at maaari itong lumabas sa urinary tract ng hindi nararamdaman. Ngunit kung malaki na, maaari itong maipit sa ureter, ang makitid na daanan ng ihi mula sa kidney papuntang bladder. "Tumatagal ng isang araw o dalawa para lumabas ang kidney stone na mas maliit sa 4 millimeters mula sa ureter, at hindi bababa sa dalawang linggo para mailabas ang mas malaki pa rito," paliwanag ng doktor.
Bukod sa matinding sakit sa lower back o tagiliran ng katawan, ang iba pang sintomas ng naipit na kidney stones ay pagsusuka, lagnat o panginginig, at problema sa pag-ihi — mula sa pagkakaroon ng dugo sa ihi, mabahong amoy, o pag-cloudy ng ihi, hanggang sa madalas na pag-ihi o hirap sa pag-ihi. Ang X-rays, CT scans, at ultrasounds ay makakatulong para matukoy kung ang mga sintomas ay dulot ng kidney stones. Ang mga gamot ay makakatulong sa pag-manage ng sakit at pagsusuka, at mapaparelax din ang ureter para mailabas ang bato. "Kung kailangan ng operasyon, ang mga doktor ay gumagamit ng minimally invasive procedure na may kasamang maliit na incision at shockwaves para basagin ang mga bato," sabi ni Dr. Peñaranda.
Kung ikaw ay may mataas na blood pressure, diabetes, osteoporosis, gout, o may family history ng kidney stones, mas mataas ang iyong risk na magkaroon nito. Para mapababa ang tsansa ng pagkakaroon ng kidney stones, sundin ang mga simpleng suhestiyon mula sa MakatiMed:
Drink, Drink, Drink!
Hindi lang tubig ang nirerekomenda ng mga doktor. Ang lemon juice ay may citrate na nakakatulong para maiwasan ang pagbuo ng kidney stones. Ang mahalaga ay laging hydrated upang mas madalas ang pag-ihi, na magtatanggal ng mga substansya na sanhi ng kidney stones.
Bawasan ang asin
Ang sobrang asin sa diet ay nagpapataas ng calcium sa ihi, na nagiging sanhi ng pagbuo ng kidney stones.
Manage weight
Ipinapakita ng mga pag-aaral na ang obesity at mataas na body mass index ay nagpapataas ng tsansa ng pagkakaroon ng kidney stones. Ang pagiging overweight ay kadalasang dulot ng pagkain ng junk food, fast food, at processed food na nagdudulot ng pagbuo ng kidney stones. Ang pagiging overweight ay nangangahulugan din ng pagiging prone sa hypertension at diabetes, na nagpapataas ng risk para sa kidney stones. Ang regular na ehersisyo kasabay ng balanseng diet ng prutas, gulay, at high-quality protein sa moderation ay makakatulong sa pagpapababa ng timbang at pag-iwas sa kidney stones.
READ: 'Bagong gamot sa CKD at Type 2 Diabetes, inilabas Iwasan ang kidney disease sa tamang desisyon'