CLOSE

ILD: Rare Lung Disease na Dapat Bigyang-Pansin

0 / 5
ILD: Rare Lung Disease na Dapat Bigyang-Pansin

Alamin ang tungkol sa Interstitial Lung Disease (ILD), isang bihirang sakit sa baga na may malubhang epekto sa buhay ng pasyente at kanilang pamilya.

ILD: Sakit sa Baga na Dapat Pagtuunan ng Pansin

Narinig mo na ba ang tungkol sa Interstitial Lung Disease (ILD)? Marahil hindi pa—karaniwan itong hindi kilala ng marami dahil sa pagiging bihira ng sakit na ito kumpara sa ibang pulmonary diseases. Pero kahit bihira, napakalubha ng epekto ng ILD, at madalas na nakamamatay ito. Walang lunas sa ILD, maliban na lang sa lung transplant, kaya ang mga treatment ay nakatuon lamang sa pagpapagaan ng sintomas.

Nakapanayam namin si Dr. Gilly May Santiago-Europa, isang eksperto sa pulmonology mula sa St. Luke’s Medical Center, sa isang episode ng 'Okay, Doc' na tumalakay sa ILD. Ayon kay Dr. Gilly, kadalasang idiopathic ang ILD, ibig sabihin, walang malinaw na sanhi ang sakit na ito. "Maaari itong manggaling sa mga toxins sa ating kapaligiran, tulad ng occupational exposure," paliwanag niya.

Ang ILD ay nagdudulot ng pagkapal at pagtigas ng mga tissue walls ng air sacs sa ating baga, na nagdudulot ng hirap sa paghinga at iba pang komplikasyon sa baga. Isa sa mga pinakamalaking hamon sa ILD ay ang diagnosis nito, dahil marami itong kaparehas na sintomas sa ibang sakit sa baga.

Walang specific test para malaman kung may ILD ang isang pasyente, ngunit tinitingnan ng mga doktor ang crackling sound sa baga at kinukumpirma ito gamit ang CT scan at pulmonary function tests.

Ayon kay Dr. Gilly, ang paggamit ng anti-fibrotics ay makakatulong para pabagalin ang hindi na mapipigilang pagkapal ng lung tissue na dulot ng ILD. Ngunit, wala talagang gamot para dito, maliban na lang sa lung transplant na kadalasang ginagawa kapag hindi na stable ang mga baga ng pasyente o kapag nagsimula nang bumilis ang paglala ng kalagayan ng baga.

Buhay na May ILD

Hindi biro ang buhay ng isang pasyenteng may ILD. Mula sa pisikal, emosyonal, hanggang sa pinansyal na aspeto, malaki ang pagbabago na dala ng sakit na ito. Ibinahagi ni Dr. Gilly ang kwento ng isang pasyente na napilitang huminto sa trabaho at huminto sa pagsuporta sa kanyang pamilya. Nawalan siya ng timbang, hirap sa pagsasalita, at kinaharap ang mataas na gastusin para sa kanyang gamutan.

Paano natin sila matutulungan? “Mahalaga ang simpleng pagiging andyan para sa pasyente,” diin ni Dr. Gilly. Bukod dito, isinusulong din niya ang paghanap ng support groups para sa mga pasyente ng ILD. Ang mga support groups na ito ay nagiging mahalagang bahagi ng paggamot dahil nagbibigay ito ng komunidad na susuporta sa kanila.

Habang wala pang lunas para sa ILD, nagbigay si Dr. Gilly ng pag-asa para sa kalidad ng buhay na maaaring makamit ng mga pasyente sa kabila ng sakit. Ang susi, ayon sa kanya, ay ang maagang diagnosis.

Pag-asa para sa ILD Patients

Mahalagang ma-diagnose nang maaga ang ILD bago pa man maapektuhan ng fibrosis ang baga. Kung maaga itong matutukoy, makakatulong ang anti-fibrotic medication upang pabagalin ang paglala ng fibrosis at bigyan ang pasyente ng mas mahabang buhay.

Ayon kay Dr. Gilly, ang paggamit ng mga gamot para sa ILD ay isang kamakailang development. "Noong estudyante pa ako, wala pa itong mga fibrotic medication," kwento niya.

Nilinaw din niya ang maling akala na kapag may ILD o pulmonary fibrosis, ilang buwan na lang ang itatagal ng buhay mo. “Myth ‘yan! Maraming pasyente ng ILD ang patuloy na nabubuhay ng maraming taon,” wika niya. Posibleng mabuhay ang mga pasyente nang matagal basta’t may patuloy na follow-up at monitoring sa kanilang doktor.

Sa kabila ng mga hamon, hindi katapusan ang ILD, ayon kay Dr. Gilly. "Marami pa ring pwedeng gawin ang mga pasyente," dagdag niya.

Awareness: Unang Hakbang sa Pag-iwas

Magsimula tayo sa pagprotekta sa ating mga baga sa pamamagitan ng tamang edukasyon. Rekomendasyon ni Dr. Gilly na bisitahin ang kanilang social media accounts para sa karagdagang impormasyon. Kung interesado, maaari kayong sumali sa kanilang Facebook group na Occupational and Interstitial Diseases Philippines at sundan ang kanilang Instagram @ILDPH2023.

Patuloy nating suportahan ang mga doktor tulad ni Dr. Gilly at ang kanilang mga pasyente sa laban kontra ILD at iba pang rare diseases. “Gusto naming maging aware ang mga pasyente at kanilang pamilya,” paalala ni Dr. Gilly. Bantayan ang mga sintomas tulad ng patuloy na hirap sa paghinga, pag-ubo, at pagbaba ng timbang, at kumonsulta agad sa doktor kung hindi ito nawawala.

Sa aking pag-uusap kay Dr. Gilly, lumalim ang aking pag-appreciate sa mga doktor na nagpapakadalubhasa sa paggamot ng mga rare diseases tulad ng ILD. Mahalagang bahagi ito ng pagtugon sa mga pangangailangan ng mga pasyente, lalo na’t hindi lang sila ang naapektuhan kundi pati na rin ang kanilang mga pamilya at mahal sa buhay.

Ngayong buwan ng Agosto, sa paggunita sa National Lung Month, paalala ito na bigyang-pansin natin ang kalusugan ng ating mga baga. Sana maalala natin ito palagi: magpursige tayo sa pag-adopt ng mas mabuting lifestyle habits, mag-ehersisyo nang mas madalas, at itigil ang mga bisyong nakakasama sa kalusugan.

Sa ating munting paraan, ipagpatuloy natin ang pag-abot ng suporta sa mga pasyente ng ILD at kanilang pamilya, at ipagdasal ang kanilang lakas at tibay sa laban na ito.

READ: National Kidney Month: Doktor Paano Apektado ng Sira na Kidney ang Buto at Puso