Matapos ang medyo malamlam na laro kontra Ecuador sa quarter-finals, bumalik sa porma si Messi, nakipagkonekta kay Angel Di Maria at Julian Alvarez na isa ring nakaiskor.
"Tulad ng huling Copa America at World Cup, ineenjoy ko itong mga huling laban nang todo," ani Messi sa TyC Sports matapos ang panalo na magtatapat sa Uruguay o Colombia sa finals.
Si Messi, na ngayon ay naglalaro sa Inter Miami sa Major League Soccer, ay wala pang sinasabi kung tutuloy siya sa 2026 World Cup na magaganap din sa New Jersey venue.
Ngunit nang tanungin si Coach Lionel Scaloni ukol sa pahayag ni Messi, hiniling nito na bigyan ng espasyo ang manlalaro.
"Kailangan natin siyang pabayaan, alam niya na hindi kami ang magsasara ng pintuan sa kanya. Puwede siyang manatili hangga't gusto niya, kahit na magretiro na siya... Siya na ang bahala," sabi ni Scaloni.
May pagkakataon si Messi na makuha ang ikatlong sunod na major title kasama ang Argentina matapos ang tagumpay sa 2022 World Cup at 2021 Copa America.
Binanggit ng walong beses na Ballon d'Or winner ang mga beteranong kasamahan na sina Di Maria at Nicolas Otamendi at sinabing ang tagumpay ay patunay sa mahihirap na taon na kanilang pinagdaanan.
"Grabe talaga ang nagawa ng grupong ito, ang Argentina national team, dahil pagkatapos ng lahat ng ito, nagbibigay halaga ito sa lahat ng tournaments na nilaro namin," ani Messi sa TyC Sports.
"Hindi madali para sa amin na makapasok ulit sa finals, na lumaban ulit para maging kampeon," dagdag niya matapos ang panalo sa MetLife Stadium.
Kahit na madali ang pag-abot ng Argentina sa finals laban sa Canada, sinabi ng dating Barcelona forward na mahirap pa rin ang kanilang mga pagsubok.
"Ito ay isang mahirap na Copa, patas ang laban, masama ang mga pitch, mataas ang temperatura, mga matitinding koponan, at para sa amin na makapasok ulit sa finals ay isang bagay na dapat ipagdiwang," ani Messi.
Sinabi ni Goalkeeper Emiliano Martinez na kahit sila ay world champions, ang saya ng pag-abot sa finals ay kasing tindi pa rin.
"Ito ay isang source ng pride bilang isang Argentine, bilang kinatawan ng national team na ito, na makapaglaro ulit sa isang finals. Parang first time pa rin," sabi niya.
RELATED: Lionel Messi: “Inter Miami ang Huling Club Ko”