Magsisimula na sa Hulyo 17 ang bagong wage order sa Metro Manila, kahit na may nakabinbing apela mula sa ilang labor groups, ayon kay Department of Labor and Employment-NCR director Sarah Mirasol.
"Ang apela ay hindi makakaantala sa implementasyon ng wage order na magsisimula na sa Hulyo 17," ani Mirasol nitong weekend.
Isang petisyon upang baligtarin ang wage order ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board ang isinampa ng Unity for Wage Increase Now (UWIN) at iba pang labor groups sa National Wages and Productivity Commission (NWPC).
Hiniling ng mga labor groups sa NWPC na ipawalang-bisa ang P35 wage hike at ideklara ang P1,207 na daily minimum wage, na ayon sa IBON Foundation ay ang average family living wage sa NCR.
Hiniling din nila ang pagbibitiw ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma dahil sa umano’y pagkabigo niyang “ipaglaban ang interes ng mga manggagawa.”
Sinabi ni Senate President Francis Escudero na ang P35 wage hike ay “kulang na kulang.”
Tinaas ng wage order ang daily minimum pay ng non-agriculture workers sa P645 mula sa P610.
Ayon kay UWIN president Charlie Arevalo, patuloy silang lalaban para sa family living wage anuman ang maging desisyon ng NWPC.
Nationwide Pay Hike
Dapat gayahin ng mga regional wage boards sa labas ng Metro Manila ang wage hike sa NCR upang maibsan ang epekto ng tumataas na inflation, ayon kay House Minority Leader Marcelino Libanan.
"Umaasa kami na ang lahat ng regional wage boards sa labas ng Metro Manila ay magtakda ng kinakailangang pagtaas ng sahod upang matulungan ang mga manggagawa na makayanan ang tumataas na presyo ng mga pangunahing bilihin," sabi ni Libanan.
Kailangan daw kumilos agad ng 16 na regional wage boards para mabigyan ng “immediate relief” ang mga private sector workers mula sa tumataas na cost of living.
Ayon sa Pulse Asia report na inilabas nitong weekend, binanggit ng mga Pilipino edad 18 pataas na ang pagtaas ng sahod ay pangalawa sa kanilang pinaka-kagyat na concern, kasunod ng “pagkontrol ng inflation.”
Magpapatuloy ang Kongreso sa pagtalakay sa proposed wage hike na P150 hanggang P350, sabi ni Rizal 4th District Rep. Fidel Nograles.
"Target ng gobyerno na pababain ang inflation at gawing abot-kaya ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa lahat ng antas ng buhay," aniya.
SONA
Ang P150 na legislated wage hike ay dapat kasama sa ikatlong State of the Nation Address ni President Marcos sa Hulyo 22, ayon kay Nagkaisa chairman Sonny Matula.
"Dapat ipakita ng Presidente ang matatag na pamumuno sa kanyang SONA sa pamamagitan ng pag-include ng agenda sa wage recovery, paglikha ng trabaho, at pagpigil sa inflation," sabi ni Matula kahapon.
Kailangang kumilos agad ang House of Representatives upang tugunan ang mga hinaing ng mga manggagawa.
Ang P40 wage hike noong Hulyo 2023 ay walang naging masamang epekto sa unemployment rate sa Metro Manila, ayon kay Matula.
Dapat pabilisin ni Speaker Martin Romualdez ang pagpasa ng pending legislated wage hike bill nang may “urgency and dispatch,” dagdag ni Matula.
RELATED: DOLE binabalaan ang Kongreso ukol sa legislated wage hike