— Kung may nararamdamang sakit, kadalasan pain killers ang takbuhan ng marami. Pero ayon sa mga doktor, ang madalas na paggamit nito ay maaaring magdulot ng masamang epekto, lalo na sa kidney.
Ang mga doktor mula sa Philippine Society of Nephrologists (PSN) ay nagbabala laban sa sobrang paggamit ng pain killers upang maiwasan ang pagdami ng kaso ng Chronic Kidney Disease (CKD) sa bansa.
Ayon sa National Kidney Transplant Institute (NKTI), tumaas ng 40% ang bilang ng mga bagong pasyenteng sumasailalim sa dialysis.
Sinabi ni Dr. Romina Danguilan, Deputy Executive Director ng NKTI para sa Medical Services, na mayroong humigit-kumulang 60,000 na pasyente sa dialysis ngayon. Ang center ay nagkakaroon ng tinatayang 35,000 out-patients at 27 in-patients kada taon, kung saan 80% ay may kidney diseases.
Dahil dito, ang PSN ay nagtataguyod ng maagang pagtuklas at paggamot ng CKD kasabay ng pagdiriwang ng National Kidney Month tuwing Hunyo. Isa sa mga programa nito ang "Stop CKD," na inilunsad noong 2022 sa Cebu.
Ayon kay Dr. Vimar Luz, Secretary ng PSN, ang kidney disease ay itinuturing na chronic kapag ang sakit o pinsala sa kidney ay hindi gumaling sa loob ng tatlong buwan. Si Dr. Luz ay kabilang sa mga panelists sa unang "Agham Kapihan," isang serye ng mga media roundtable discussions tungkol sa agham at kalusugan.
Mahalaga ang kidney sa katawan dahil ito ang nagtatanggal ng mga toxins at nagre-regulate ng electrolytes at blood pressure.
Sa end stage ng CKD, kung saan kadalasang nirereseta ang dialysis, ang mga palatandaan at sintomas ng sakit ay kinabibilangan ng pagkapagod, kawalan ng gana sa pagkain, pamamaga, pagsusuka, pangangati, insomnia, at pagkakaroon ng dugo o protein sa ihi.
Ang maagang pagtuklas sa pamamagitan ng taunang checkups, kabilang ang urinalysis, ay makakatulong upang malaman ang maagang yugto ng sakit.
Narito ang walong alituntunin na isinusulong ng PSN para labanan ang Chronic Kidney Disease:
1. Mag-ehersisyo nang regular
Ayon kay Dr. Luz, panatilihin ang tamang timbang ng katawan. Ang araw-araw na ehersisyo, tulad ng paglalakad, ay makakatulong.
2. Iwasan ang ultra-processed food at sundin ang tamang diyeta
Mas mainam ang natural na pagkain. Iwasan ang mga ultra-processed food tulad ng junk food at matatamis na pagkain. Dapat din limitahan ang araw-araw na konsumo ng asin sa 5 hanggang 6 grams.
3. Kontrolin ang blood sugar
Kasabay ng tamang diyeta, bantayan ang blood sugar. Ang mga may predisposisyon sa diabetes ay dapat regular na suriin ang kanilang blood sugar.
4. Kontrolin ang blood pressure
Bukod sa blood sugar, bantayan din ang blood pressure, lalo na sa mga matatanda at middle-aged. Ang normal na blood pressure sa adults ay 120/80.
5. Uminom ng sapat na tubig
Panatilihing hydrated ang sarili. Ang tamang konsumo ng tubig ay mahalaga sa kalusugan ng kidney.
6. Itigil ang paninigarilyo
Ang pagtigil sa paninigarilyo ay pangkalahatang payo sa kalusugan. Ang pagtigil sa paninigarilyo ay makakatulong sa pag-iwas sa stroke, heart attack, at iba pang komplikasyon.
7. 'Wag abusuhin ang pain relievers at supplements
Ayon kay Dr. Luz, mainam na kumonsulta sa doktor bago uminom ng kahit anong supplement. Ang sobrang paggamit ng pain relievers at supplements ay maaaring magdulot ng pinsala sa kidney.
8. Magpa-checkup nang regular
Ang taunang medical checkups ay makakatulong upang malaman ang kalagayan ng kalusugan. Ang regular na checkup ay inirerekomenda para sa mga may panganib na magkaroon ng CKD tulad ng mga may Diabetes, Hypertension, obesity, at family history ng kidney disease.
Ayon kay Dr. Luz, “Kapag usapang cardio-metabolic diseases, hindi puwedeng gamutan lang. Dapat may pagbabago sa lifestyle, lalo na sa prevention, at bahagi nito ang edukasyon. Sabi nga nila, mas mainam ang prevention kaysa cure.”