CLOSE

'Wellness Day' para sa Kababaihan Inilunsad sa Cavite

0 / 5
'Wellness Day' para sa Kababaihan Inilunsad sa Cavite

Unang 'Wellness Day' sa Cavite: Empower Her event naghatid ng kalusugan at kagandahan para sa kababaihan. Alamin ang mga kaganapan!

– Isang kauna-unahang kaganapan para sa pagpapalakas at wellness ng mga kababaihan ang matagumpay na idinaos sa GMA Sports Complex sa General Mariano Alvarez, Cavite.

Ang event na pinamagatang "Empower Her: Nurture, Pamper, and Wellness Day" ay pinangunahan ng Babae Ako Party-list. Sinimulan ito ng isang masiglang motorcade sa pangunguna ni Rossel Dimayuga, ang first nominee ng Babae Ako, kasama sina Geeian Gambala at mga miyembrong sina Loreta Caburnay at Michelle Velitario.

Pagkatapos ng motorcade, bumida ang mga grupo ng Zumba at kanilang mga supporters, na nagbigay buhay at saya sa event. Mahigit 1,000 katao ang lumahok sa mga aktibidad na naglalayong pagandahin at palakasin ang mga kababaihan. Nag-enjoy ang mga dumalo sa libreng gupit, manicure, pedicure, at masahe—lahat para sa kapakanan at kalusugan ng kababaihan.

Binigyang-diin ni Dimayuga ang kahalagahan ng wellness para sa kababaihan, "Alam natin kung gaano kahalaga ang magbigay ng self-care at wellness para sa kababaihan, mula loob hanggang labas."

Isang highlight ng event ay ang Zumba contest na nilahukan ng 10 grupo na naglaban-laban para sa mga premyo. Nagdala ito ng kasiyahan at kompetisyon, na hinihikayat ang physical fitness at pagkakaisa ng mga kalahok.

Nagpahayag ng pasasalamat ang Babae Ako sa lahat ng organizers, volunteers, at supporters na naging bahagi ng tagumpay ng event. Espesyal na pasasalamat ang ipinahatid kay General Mariano Alvarez Mayor Maricel Echeverria Torres para sa kanyang suporta.

"Inaasahan namin na ito ang simula ng marami pang aktibidad na naglalayong palakasin ang lahat ng kababaihan," dagdag ni Dimayuga.

Ang kaganapan ay nagmarka ng mahalagang milestone para sa grupo sa kanilang patuloy na misyon na suportahan at palakasin ang kababaihan sa pamamagitan ng makabuluhan at impactul na mga inisyatiba.