— Sa isang umuugong na laban sa NBA Cup, muling pinatunayan ni Stephen Curry ang kanyang galing nang tulungan niyang masungkit ng Golden State Warriors ang makapigil-hiningang 120-117 panalo kontra Dallas Mavericks. Hindi rin nakalusot sa mata ng mga fans ang pagbabalik ni Klay Thompson, na dating ka-tandem ni Curry sa Golden State bago ito lumipat sa Dallas noong Hulyo.
Sa edad na 34, bumalik si Thompson sa Chase Center na sinalubong ng mainit na palakpakan mula sa mga loyal na taga-suporta. May mga fans pang nakasuot ng mga sumbrerong pantubig, paalala ng paboritong gawing commute ni Thompson papuntang laro—ang paglalayag sa kanyang fishing boat.
Sa kabila ng mga 6 na tres na pinakawalan ni Thompson para makuha ang 22 puntos, tinapatan siya ni Curry sa huling tatlong minuto ng laro. Nang maungusan ng Dallas ang Golden State sa iskor na 114-108, nagbigay si Curry ng 10 sunod-sunod na puntos kabilang ang isang pambihirang tres mula 28 feet, kaya’t naibalik niya ang kalamangan sa 118-114. Dagdag pa ang dalawang huling free throw na nagdala sa Warriors ng tagumpay.
"Ang daming emosyon," ani Curry sa panayam sa TNT. "Pero pareho naming gustong manalo. Parang playoff ang laban—ang daming magagaling na plays."
Pinangunahan ni Luka Doncic ang Mavericks sa kanyang 31 puntos, habang nag-ambag si Kyrie Irving ng 21.
Embiid Nagbalik Ngunit Sixers Tinalo ng Knicks
Sa iba pang laban, bumalik si Joel Embiid para sa Philadelphia 76ers pero hindi ito sapat upang pigilan ang pagkatalo nila sa New York Knicks, 111-99. Matapos ang ilang buwan ng rehabilitasyon sa kanyang kaliwang tuhod at isang suspensyon dahil sa insidente sa locker room, mukhang kinakapa pa ni Embiid ang kanyang laro. Natapos siya sa 13 puntos, limang assist, at tatlong rebounds.
"Medyo rusty pa siya," komento ni Sixers coach Nick Nurse.
Samantala, sa Boston, nagulat ang lahat nang talunin ng Atlanta Hawks ang Boston Celtics, 117-116, sa kabila ng pagkawala ni Trae Young. Sa huling anim na segundo, ang tip-in ni Onyeka Okongwu ang nagdala ng panalo sa Atlanta na matagal nang hindi nananalo kontra Celtics.
Para sa NBA Cup, ang bawat isa sa 30 koponan ng liga ay nahahati sa anim na grupo, may walo ang uusad sa knockout round na magaganap sa Las Vegas mula Disyembre 14 hanggang 17.
READ: Mitchell Nagpa-wow sa 36pts, Cavs 12-0 na sa NBA!