– Sa paghahanda para sa nalalapit na pagbubukas ng klase sa Hulyo 29, naglunsad ng malawakang anti-dengue campaign ang lokal na pamahalaan ng Angeles City. Nitong nakaraang araw, isinagawa ang fumigation sa 55 pampublikong paaralan upang protektahan ang mga mag-aaral at guro laban sa dengue.
Sa direktiba ni Mayor Carmelo Lazatin, inatasan ang anti-dengue task force ng lungsod na tiyaking ligtas ang mga estudyante at guro mula sa sakit na dulot ng lamok. Pinamunuan ni city executive assistant Reina Manuel ang aktibidad, katuwang si Irish Bonus-Llego, ang hepe ng Angeles City Economic Development Investment Promotions Office.
Nagpaabot ng pasasalamat si Edgard Domingo, pinuno ng Angeles City Schools Division, kay Lazatin para sa malasakit sa kalusugan ng mga mag-aaral at guro. Ayon kay Domingo, ang fumigation ay isa sa mga pangunahing hakbang ng pamahalaang lungsod upang mapigilan ang pagkalat ng dengue.
Sa gitna ng Brigada Eskwela, ang fumigation ay isa lamang sa mga hakbangin upang masiguradong handa ang mga paaralan sa darating na pasukan. "Ligtas na mag-aaral, masayang paaralan," ang tila sigaw ng lungsod sa kanilang pagsusumikap na labanan ang dengue.