— Dahil sa bahagyang pagtaas ng kaso ng COVID-19, muling ipinaalala ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na ang mga benepisyo para sa naturang sakit ay maaari pa ring makuha.
"Pinapaabot namin sa lahat ng miyembro at health care providers na ang mga COVID-19 benefit packages, na sumasaklaw sa in-patient admission, ay patuloy na available sa accredited na health facilities," ayon sa advisory ng PhilHealth.
Sa ilalim ng kasalukuyang mga inpatient care packages, P43,997 ang nakalaan para sa mild pneumonia; P143,267 para sa moderate pneumonia; P333,519 para sa severe pneumonia at P786,384 para sa critical pneumonia.
"Para ito sa mga pasyenteng kumpirmadong may COVID-19 na nangangailangan ng hospital admission," dagdag pa ng PhilHealth.
Para sa COVID-19 testing, saklaw ng PhilHealth ang RT-PCR (Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction) mula P800 hanggang P2,800; cartridge-based test mula P500 hanggang P2,450 at Rapid Antigen Test para sa P500.
Ang COVID-19 benefits ay isasailalim pa sa adjustment bago matapos ang taon, ayon kay Rey Baleña, PhilHealth vice president for corporate affairs.
Iniulat ng Department of Health noong nakaraang linggo ang bahagyang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ito ay matapos tumaas ang average daily COVID-19 cases sa 319 noong linggo ng Mayo 21 hanggang 27, mula sa 202 cases noong nakaraang linggo.
Ang bahagyang pagtaas ng kaso ay naitala matapos matuklasan ang dalawang kaso ng tinaguriang “FLiRT” subvariants KP.2 at KP.3 sa bansa.