— Pinabulaanan ng Department of Health (DOH) ang mga ulat na isang lalaki sa Negros Oriental ang pumanaw dahil sa monkeypox.
"Walang namatay sa bansa dahil sa monkeypox," ani Health Assistant Secretary Albert Domingo kahapon.
Base sa pinakahuling datos ng DOH, walang nagpositibo sa monkeypox sa mga sumailalim sa pagsusuri.
Ang pahayag ni Domingo ay kasunod ng mga ulat na iniimbestigahan ng DOH sa Central Visayas ang pagkamatay ng isang 27-anyos na lalaki sa Negros Oriental noong Hunyo 2. Hinihinalang nagkasakit ito ng monkeypox bago siya namatay.
Ang monkeypox virus ay naipapasa sa pamamagitan ng direktang kontak sa isang taong infected o sa mga kontaminadong bagay.
Ayon kay Domingo, ang mga sintomas ng sakit ay kahalintulad ng sa bulutong, shingles, at herpes. Kabilang dito ang pagkakaroon ng mga pantal sa balat o mucosal lesions.
Pinayuhan niya ang publiko na laging maghintay ng opisyal na kumpirmasyon mula sa DOH bago maniwala sa mga naririnig o nababasa, at iwasan ang pagpapakalat ng hindi beripikadong impormasyon.