– Desidido si Novak Djokovic na bumalik sa Wimbledon sa susunod na taon at subukang makuha ang ikawalong titulo sa All England Club, kahit na tinalo siya ni Carlos Alcaraz sa straight sets sa finals nitong Linggo (Lunes sa Manila).
Matapos ang kanyang pangarap na magtala ng ika-25 na Grand Slam title ay nauwi sa wala dahil sa 21-anyos na Espanyol, na tinalo din siya noong nakaraang taon, ipinahayag ni Djokovic na maglalaro pa rin siya hanggang 2025, kung kailan siya ay magiging 38 taong gulang na.
“Gusto kong bumalik dito. Wala akong iniisip na ito na ang huli kong Wimbledon,” ani Djokovic matapos ang kanyang 6-2, 6-2, 7-6 (7/4) pagkatalo.
“Wala akong limitasyon sa isip ko. Gusto ko pang maglaro hangga’t kaya ko pang maglaro sa ganitong mataas na antas.”
Ngayong season, naagaw ni Jannik Sinner, 22-anyos na Italyano, ang kanyang Australian Open title at World No. 1 ranking.
Naging kampeon si Alcaraz sa French Open sa Paris noong nakaraang buwan, kung saan kinailangan ni Djokovic na umatras bago ang quarter-final dahil sa injury sa tuhod na kinailangang operahan.
Balak ni Djokovic na bumalik sa Paris sa loob ng dalawang linggo para subukang manalo ng gintong medalya sa Olympic Games.
Pagkatapos nito, tatangkain niyang depensahan ang kanyang US Open title sa New York.
“May intensyon akong maglaro sa Olympic Games, sana ay makalaban para sa medalya para sa aking bansa,” sabi niya.
“Sa ibang surface (clay) siyempre, pabalik sa lugar kung saan ako na-injure ilang linggo na ang nakalipas. Tingnan natin kung paano ako sa pisikal at mental na aspeto.”
Kahit positibo ang kanyang pananaw sa hinaharap, hindi naging maganda ang taon ni Djokovic ayon sa kanyang pamantayan.
Wala siyang titulo mula noong nanalo siya sa ATP Finals noong Nobyembre ng nakaraang taon at hindi pa siya nanalo laban sa top-10 opponent ngayong 2024.
Noong Linggo, napabagsak siya ni Alcaraz, na naglista ng 42 winners kumpara sa 26 ni Djokovic at lumikha ng 14 break points, lima sa mga ito ay na-convert niya.
“Para talunin ang mga tulad nina Alcaraz at Sinner sa Grand Slam finals o sa Olympics, kailangan kong maglaro ng mas maganda kaysa ngayon at mas maganda ang pakiramdam ko,” pag-amin ni Djokovic.
“Magpupursige ako. Hindi ito bago sa akin. Maraming beses na akong dumaan sa iba’t ibang karanasan sa aking career. Sa harap ng adversity, kadalasan akong bumabangon at natututo at lumalakas. Iyan ang gagawin ko.”
RELATED: Djokovic at Alcaraz Magtatagpo Muli sa Wimbledon Final Blockbuster