— Patuloy ang pag-asa ng Filipina Olympic rower na si Joanie Delgaco sa Paris Olympics matapos niyang makapasok sa repechage round ng women’s single sculls. Nakamit ni Delgaco ang ika-apat na puwesto sa Heat 2 nitong Sabado ng hapon (Manila time) na may oras na 7:56.26.
Sa simula ng kompetisyon, nagpakita ng gilas ang 26-anyos na atleta, na siyang kauna-unahang Filipina na nakapasok sa Olympics. Napanatili niya ang posisyon sa top three sa unang kilometro. Subalit sa bandang huli, hindi niya napigilan ang pagsulong ni Nina Kostanjsek mula Slovenia, na nakuha ang pangatlong puwesto at awtomatikong pasok sa quarterfinals.
Nanguna sa Heat 2 ang Netherlands’ Karolien Florijn na may oras na 7:36.90. Sumunod naman si Aurelia-Maxima Katharina Janzen ng Switzerland na nagtala ng 7:41.15. Kasama rin sa mga pasok sa quarterfinals si Kostanjsek na nagtapos sa 7:46.30.
Samantala, makakasama ni Delgaco sa repechage round ang mga ika-lima at ika-anim na sina Nihed Benchadli ng Algeria (8:06.62) at Majdouline El Allaoui ng Morocco (8:30.47). Gaganapin ang repechage round ngayong Linggo, Hulyo 28, alas tres ng hapon (Manila time).