Sa edad na 17, natupad ni Malixi ang kanyang tadhana bilang unang Pinay sa loob ng 25 taon na nagwagi sa prestihiyosong torneo, tinalo ang kalaban niyang si Asterisk Talley ng Amerika, 3 and 2, sa isang mahaba at kapanapanabik na finale. Ang huling Pinay na nanalo dito ay si Fil-Am Dorothy Delasin noong 1999.
Si Malixi, na pang-anim na seed, ay umiskor ng tatlong birdie mula ika-13 hole ng Southern Hills Country Club para makuha ang tatlong-lamang kay Talley. Nakuha niya ang korona sa pamamagitan ng isang par sa ika-16 na hole.
Si Malixi ay isa lamang sa dalawang manlalaro sa kasaysayan na nagwagi ng parehong US Girls’ Junior at US Women’s Amateur sa iisang taon, kasunod ni Eun Jeong Seong ng Korea noong 2016.
“Yung pakiramdam na kailangan kong manalo, sobrang bigat ng pressure pero napakasarap sa pakiramdam,” sabi ni Malixi. “Bilang isang two-time USGA champion, napakalaking bagay nito para sa akin.”
Kasama ng Robert Cox Trophy, nakamit din ni Malixi ang mga exemptions sa major championships sa susunod na taon—kabilang na ang US Women’s Open sa Wisconsin, AIG Women’s Open sa St. Andrews, Chevron Championship, at Amundi Evian Championship—plus invitation sa Augusta National Women’s Amateur.
Mula pa sa kanyang panalo sa Australian Master of the Amateurs Championship noong Enero sa Melbourne, nagpapakitang-gilas na si Malixi ngayong taon.
“Honestly, gusto ko lang talagang maglaro ng maganda. ‘Yun lang,” ani Malixi tungkol sa kanyang inaasahan para sa 2024. “Hindi ko inaasahan na mananalo ako sa Australian Master of Amateurs noong Enero, tapos sunod-sunod na.”
Nanguna si Talley ng isang stroke matapos ang unang 18 holes noong Sabado, pero nagpakita ng tibay si Malixi at nanaig sa huling 18 holes. Sa limang birdies mula sa ikalawa hanggang ikawalong hole, nahigitan ni Malixi ang two-down deficit at nakuha ang three-hole lead.
“Nung makuha ko ‘yung birdie sa par-5 13th, doon na ako nakabawi,” dagdag ni Malixi.
READ: Magical Malixi pinatunayan ang talento, nagwagi sa US Women's Amateur