— Para mapataas ang kalidad ng edukasyon at labanan ang cyberbullying, nagsusulong si Sen. Sherwin Gatchalian ng batas na magbabawal sa paggamit ng cell phones at iba pang gadgets sa loob ng klase mula kindergarten hanggang senior high school.
Naghain si Gatchalian ng Senate Bill 2706 o ang ipinanukalang Electronic Gadget-Free Schools Act, na nag-uutos sa Department of Education na maglabas ng mga gabay hinggil sa pagbabawal ng mga electronic gadgets sa oras ng klase.
“Apart from decreasing learners’ academic performance, access to such devices seems to mediate involvement in cyberbullying. Kaya ang paggamit ng mobile phones at iba pang gadgets ay dapat limitado sa school,” ani Gatchalian.
Ayon sa senador, sakop ng guidelines ang mga estudyante mula kindergarten hanggang senior high school, sa mga pampubliko at pribadong institusyon.
Dagdag pa rito, ipinagbabawal din ng panukala na gumamit ng mobile devices ang mga guro habang may klase.
Aminado si Gatchalian na nakatutulong ang mobile devices sa pag-aaral, pero maaari rin itong magdulot ng distraksyon, lalo na sa mga batang mag-aaral.
Ibinahagi rin ni Gatchalian ang resulta ng 2022 Program for International Student Assessment (PISA), kung saan walong sa sampung estudyante na may edad 15 ay nagsabing nadidistrak sila sa paggamit ng smartphones habang klase.
Parehong bilang ng estudyante ang nag-ulat na nadidistrak sila sa paggamit ng cell phones ng kanilang mga kaklase habang nasa loob ng klase.
Ipinakita rin sa PISA results na ang distraksyon dahil sa paggamit ng cell phones ay konektado sa pagbaba ng performance ng 9.3 points sa math, 12.2 points sa science, at 15.04 points sa reading.