— Muling pinatunayan ng mga atletang Pinoy na kaya nilang makipagsabayan sa mundo matapos ang sunud-sunod na tagumpay sa iba't ibang kompetisyon noong Nobyembre.
Unang sumaludo ang bayan sa Philippine paddlers na naghakot ng 11 gold, 20 silver, at 8 bronze medals sa ICF Dragon Boat World Championships sa Puerto Princesa. Ang nakakabilib na pagtatapos ay nagbigay sa kanila ng overall championship, tinalo ang Thailand (8-0-0) at 21 iba pang bansa.
Samantala, nag-ingay din ang Gilas Pilipinas matapos talunin ang World No. 22 New Zealand, 93-89, sa FIBA Asia Cup Qualifiers—isang milestone sa kasaysayan ng koponan. Dinagdagan pa nila ito ng panalo kontra Hong Kong, 93-54, na nagbigay ng direktang tiket sa 2025 Asia Cup sa Saudi Arabia.
Sa baseball, hindi rin nagpahuli ang Pilipinas matapos makuha ang limang sunod na titulo sa BFA East Asia Baseball Cup sa Clark. Dinomina nila ang finals kontra Hong Kong, 9-2, na nagbigay-daan para sa kanilang laban sa Asian Baseball Championship sa susunod na taon.
Hindi rin nagpahuli ang mga Pinoy chess players sa Portugal kung saan si IM Chito Garma ang naghari sa Blitz event ng World Senior Chess Championships, habang si FM Mario Mangubat ang nagwagi sa Rapid event ng 65+ category.
Bukod dito, nagningning ang skateboarder na si Margielyn Didal sa Red Bull Buenos Aires Conquest sa Argentina, isang tagumpay matapos ang matagal na pahinga dulot ng ankle injury.
Nagpakitang-gilas din ang Philippine curling team sa Canada sa Pan-Continental Curling Championships B Division, kung saan nakapasok sila sa mas mataas na A Division—isang hakbang palapit sa 2026 Winter Olympics.
Mula sa tubig hanggang sa yelo, sa board hanggang court, patuloy na nag-iwan ng bakas ang mga atletang Pinoy, bitbit ang bandila ng Pilipinas saan man sa mundo.