— Grabe ang performance ni Jackie Acuña sa PVL Reinforced Conference, ang batang ace na nagpapakitang-gilas para sa Cignal HD Spikers na walang talo sa tatlong laro sa Pool B.
Sa laban kontra Capital1 noong Sabado sa Philsports Arena, umarangkada si Acuña ng anim na blocks sa kabuuang 12 points, na nagbigay sa kanilang team ng panalo, 25-20, 25-17, 23-25, 25-13.
“Araw-araw mindset ko makatulong lang at tibayan loob,” ani ng dating National University standout. “Hindi biro mga kalaban ngayon, lahat nagsstep up. Todo effort sa training at sumusunod sa coaches.”
Acuña, na naging starter ngayong conference, ay nakalikom ng kabuuang 25 points kabilang na ang 10 blocks sa tatlong laro. Target ni coach Shaq Delos Santos na mailabas ang buong potensyal ni Acuña sa import-laden tournament.
“Lahat ng middles namin may malaking oportunidad sa training. Balanced time, pero kita namin ang malaking potensyal ni Jackie, mas agresibo,” wika ni Delos Santos. “Gusto kong maexpose yung full potential niya, malaking tulong siya sa team.”
Bukod kay Acuña, pinuri rin ni Delos Santos sina Ces Molina, Chinchin Basas, Ria Meneses, Gel Cayuna, at Judith Abil sa kanilang pag-step up, lalo na't kulang sila sa Alas Pilipinas players na sina Vanie Gandler at Dawn Macandili-Catindig pati na rin si Jovelyn Ganzaga na nasa Army.
“Grabe effort ng team kahit wala yung ibang key players. Sumusunod sila sa sistema at yun ang mahalaga,” dagdag ng coach. “For sure, pag-aaralan kami ng ibang teams. Mas pagtitibayin pa namin ang trabaho at pag-aaralan ang mga kalaban.”
Ang Cignal ay may rematch sa finals ng 2022 Reinforced Conference kontra sa two-time defending champion Petro Gazz sa Huwebes.
Si Acuña, na magdiriwang ng kanyang ika-24 na kaarawan sa Linggo, ay nangako na magtatrabaho pa nang husto para masuklian ang tiwala ng kanyang team.
“Masaya pero hanggang ngayon lang dapat, job’s not finished. Best effort lang para makatulong sa team at hindi masayang tiwala ng coaches at management,” sabi niya.