— Ang kondisyon ng panahon ay maaaring magdulot ng masamang epekto sa kalusugan ng puso, ayon kay Philippine Heart Association president Dr. Rodney Jimenez kahapon.
Ipinaliwanag niya na kung malamig ang panahon, ang mga blood vessel ay sumisikip.
"Kapag may heart ailment ka, may baradong ugat, at maligo ka sa malamig na tubig, may mga tao na nakararanas ng chest pain. Isa ito sa mga direct o indirect na sanhi ng heart problems," sabi niya sa Bagong Pilipinas public briefing.
Sa kabilang banda, ang init ay nagdudulot ng stress, heat stroke, at dehydration. "Ang lahat ng ito ay stressful para sa puso, lalo na kung may existing heart ailment ka," dagdag ni Jimenez.
Ayon kay Jimenez, kahit walang cardiovascular illness, ang init at dehydration ay maaaring magdulot ng stress sa puso.
Binigyang-diin ni Jimenez na ang heat stroke ay iba sa heart attack o brain stroke. Aniya, ang heat stroke ay dulot ng mataas na temperatura at hindi direktang may kaugnayan sa puso.
Binigyang-pansin niya na ang cardiovascular diseases ay kabilang sa mga nangungunang sanhi ng kamatayan sa mga Pilipino.
Pinayuhan ni Jimenez ang publiko na mag-ingat para maiwasan ang heart ailments sa pamamagitan ng pag-iwas sa pagkain ng fatty at oily food.
Sinabi rin niya na ang diabetes, hypertension, at high cholesterol ay mga risk factors para sa cardiovascular diseases.