— Isang malaking sorpresa ang naganap sa Wimbledon nitong Martes nang si Marketa Vondrousova, ang defending women’s champion, ay natalo agad sa unang round—isang pangyayari na huling nangyari tatlumpung taon na ang nakalilipas. Habang sina Novak Djokovic at Iga Swiatek ay nagpakitang gilas sa kanilang mga laro.
Sa labas ng court, nagpahayag ng pamamaalam ang dalawang beses na kampeon na si Andy Murray matapos magdesisyon na hindi na lumahok sa singles dahil hindi pa siya lubos na nakaka-recover mula sa kanyang kamakailang back surgery.
Isang masakit na pagkatalo ang naranasan ng Czech sixth seed na si Vondrousova. Natalo siya sa kamay ni Jessica Bouzas Maneiro ng Espanya sa score na 6-4, 6-2. Isa itong malaking upset dahil si Bouzas Maneiro ay ranggo pa lang 83 sa mundo at pangatlong beses pa lang sa Grand Slam main draw.
Si Vondrousova ay pangalawang defending champion na natalo agad sa unang round sa All England Club sa Open Era. Huling nangyari ito 30 taon na ang nakalilipas nang talunin ni Lori McNeil si Steffi Graf na tatlong beses na defending champion.
Sa ilalim ng bubong ng Centre Court, limang beses nabreak ni Bouzas Maneiro ang serve ni Vondrousova at natapos ang laban sa loob lang ng 66 minuto. Inamin ni Vondrousova na hindi pa siya fully recovered mula sa hip injury na natamo niya sa Berlin grass-court tournament noong nakaraang buwan, dahilan para magkaroon siya ng 28 unforced errors sa laban.
“Okay naman ang practice,” ani ng 25-anyos na Czech. “Pero ngayong araw medyo natakot ako dahil sa paa ko rin. Pero hindi ‘yun ang dahilan. Naramdaman kong kinakabahan ako mula sa umpisa.”
Walang naging problema para sa world number one na si Swiatek, na tinalo si Sofia Kenin, dating Australian Open champion, sa score na 6-3, 6-4. Si Elena Rybakina, ang 2022 champion, ay madali ring natalo si Elena-Gabriela Ruse ng Romania, 6-3, 6-1. Samantala, si fifth seed Jessica Pegula ay pinadapa si Ashlyn Krueger ng US sa score na 6-2, 6-0.
Si Djokovic, 37, na kamakailan lang sumailalim sa knee operation, ay nagpakitang walang sakit na naramdaman sa kanyang pagkapanalo laban sa Czech qualifier na si Vit Kopriva, 6-1, 6-2, 6-2. Suot man ang support sa kanyang kanang tuhod, ipinakita niyang handa siyang magtuloy sa paghabol sa record-equaling eighth men’s title sa Wimbledon.
Isang galit na galit na Andrey Rublev, na nakarating sa quarterfinals noong nakaraang taon, ay natalo sa apat na sets laban kay Francisco Comesana ng Argentina, na unang beses pa lang lumahok sa Grand Slam. Sa sobrang frustration, paulit-ulit na pinukpok ni Rublev ang kanyang raketa sa tuhod pero hindi pa rin niya naisalba ang laro at natalo siya sa score na 6-4, 5-7, 6-2, 7-6 (7/5).
READ: Eala Nabigo Kontra New Zealander, Mintis sa Wimbledon