Peligro ng IMD: Pedia Experts Hinihikayat ang Publiko na Maging Alerto

0 / 5
Peligro ng IMD: Pedia Experts Hinihikayat ang Publiko na Maging Alerto

Mga eksperto nagbabala laban sa invasive meningococcal disease (IMD)—mabilis, nakamamatay, at maiiwasan sa tamang kaalaman at bakuna.

—Dalawang kilalang pediatric infectious disease specialists, sina Dr. Anna Ong-Lim at Dr. Lulu Bravo, ang nangunguna sa panawagan para sa mas mataas na kamalayan sa invasive meningococcal disease (IMD)—isang bihira ngunit mapanganib na sakit na maaaring magdulot ng pagkamatay sa loob ng 24 oras kung mapabayaan.

Sa isang media roundtable noong Nobyembre 21, idiniin nina Ong-Lim at Bravo na ang IMD, na sanhi ng Neisseria meningitidis, ay mabilis kumalat sa pamamagitan ng laway—galing sa pag-ubo, pagbahing, paghalik, o pagsalo sa gamit tulad ng baso o utensils.

Ayon sa datos ni Ong-Lim, isa sa bawat dalawang kaso ng IMD sa Pilipinas ay nauuwi sa pagkamatay kahit may medikal na atensyon, mas mataas kumpara sa Thailand (37.5%) at Vietnam (8.7-34%). Ang mga bata, partikular ang mga edad limang taon pababa, ang pinakaapektado.

“Ang IMD ay parang magnanakaw sa gabi—hindi mo mapapansin pero bigla kang tatamaan,” ani Ong-Lim. Ang sintomas nito ay nag-uumpisa sa simpleng lagnat, pananakit ng ulo, at sore throat, ngunit sa loob ng 10-24 oras, pwedeng mauwi ito sa mas seryosong komplikasyon tulad ng meningitis, sepsis, at rashes.

Sino ang Nasa Panganib?

Bukod sa mga bata, kabilang sa high-risk groups ang mga teenager, sundalo, laboratory personnel, travelers sa endemic areas, at maging concert-goers, ayon sa paliwanag ni Bravo. Ang IMD ay madalas tumutok sa Serogroup B strain, na siyang nangungunang sanhi ng kaso sa bansa, lalo na noong 2022 kung saan 100% ng mga kaso ay dahil dito.

Bakuna at Maagang Aksyon

Sa kabila ng panganib, posible itong maiwasan sa pamamagitan ng tamang impormasyon at bakuna. Bagamat may conjugate vaccines para sa iba't ibang strain, tanging isang partikular na bakuna lang ang epektibo para sa Serogroup B. Bukod dito, inirerekomenda ang agarang antibiotic treatment sa loob ng isang oras ng sintomas.

Nagbabala rin si Bravo sa mga healthcare workers na laging magpabakuna bago humawak ng pasyente na pinaghihinalaang may IMD.

“Hindi natin ito pwedeng balewalain,” dagdag ni Bravo. “Sa IMD, oras ang kalaban. Early detection and action ang makakaligtas ng buhay.”

Tungkulin ng bawat isa na maging mulat at mag-ingat—para sa sariling kaligtasan, at ng komunidad.

READ: 361 Typhoid Cases sa Metro: Alarming na Pagtaas Ayon sa DOH