– Sa wakas, sumabak na rin ang esports sa prestihiyosong UAAP, kasabay ng pagbubukas ng Season 87 ngayong Agosto.
Matagal nang pinag-iisipan ang inclusion ng esports, at sa wakas, ito’y magiging bahagi na ng UAAP. Magsisimula ang kaabang-abang na kompetisyon mula Agosto 13 hanggang 21, sa Arete ng Ateneo. Mga laro gaya ng NBA 2K, Valorant, at Mobile Legends: Bang Bang ang tampok sa inaugural na event na ito.
Pero teka, hindi pa ito medal event ha! "Demo sport lang muna ito, para sa unang sabak," ayon kay UAAP executive director Atty. Rebo Saguisag sa The STAR.
Ang pagdagdag ng esports sa UAAP ay nagpapakita ng adaptability ng liga sa modernong panahon, lalo na’t ang mga koponan ng Pilipinas ay sunod-sunod ang panalo sa international tournaments.
Lahat ng walong miyembro ng UAAP schools ay sasabak sa tatlong events na ito. Uumpisahan ang NBA 2K24 mula Agosto 13-15, susundan ng Valorant mula Agosto 13-16. At ang patok na patok na MLBB, kung saan kampiyon ang Pilipinas sa iba't ibang world tournaments, ay magtatapos mula Agosto 17-18 at 20-21 sa Hyundai Hall, Arete.
Ang pagdiriwang na ito ng esports ay magsisilbing panimula sa opisyal na pagbubukas ng UAAP Season 87 sa Setyembre 7 sa Mall of Asia Arena, na siyang magsisimula sa men’s basketball tournament na pinangungunahan ng reigning champion na La Salle.
Samantala, nagbabalik si Karl Dimaculangan bilang coach ng NU Lady Bulldogs matapos palitan si Norman Miguel, na nag-resign para mag-focus sa kanyang school administrative roles. Pinamunuan ni Dimaculangan ang Lady Bulldogs sa kanilang unang UAAP title sa loob ng 65 taon noong Season 84, bago naging parte ng staff ni Miguel sa kanilang muling tagumpay sa Season 86.