— Baguhan at di pa natatalo si Jerald Into, samantalang beterano na si Mark John Yap. Pareho silang sabik na magtapat para sa bakanteng World Boxing Council Asia lightweight title sa "Manny Pacquiao Presents: Blow-By-Blow" ngayong Huwebes sa Cantilan Municipal Gymnasium, Surigao del Sur.
Sa official weigh-in kahapon, swak sa timbang ang dalawa: 133.7 pounds si Into, at 133.4 pounds naman si Yap. Ito ang main event ng 14 laban na ipapakita, hatid ng boxing show na may heavyweight na patron, ang Petron, at suportado nina Mayor Philip Pichay, Engineer Rumel Lamparas, at Em Cuartero ng LGU ng Cantilan.
“Masarap sa pakiramdam na nagiging espesyal ang Cantilan para sa Blow-By-Blow,” wika ni Pacquiao, ang nag-iisang eight-division champion at bossing ng lingguhang boxing program.
“Para ito sa mainit at mababait na tao ng Cantilan,” dagdag pa ni Pacquiao, na kinatawan ni Marife Barrera, ang namumuno sa Blow-By-Blow, sa pre-fight ritual.
Si Into, mula sa Quibors Boxing Stable ng Bacoor, Cavite, ay bitbit ang rekord na 10-0-0 na may walong knockouts. Samantalang si Yap, na isang Pinoy boxer na naka-base na sa Vietnam at ipinagmamalaki ng VSP Stable, ay may kartadang 34-18-0 na may 17 knockouts.
Ang buong fight card ay inayos ng batikang matchmaker na si Art Monis, na matagal nang kasama sa Blow-By-Blow mula nang i-revive ito ni Pacquiao halos dalawang taon na ang nakakaraan.
READ: Villegas, Nagbigay ng Matagumpay na Simula sa PH Boxing Team sa Paris Olympics