— Nagbigay ng nakagugulat na balita si Kapamilya actor Sam Milby tungkol sa kanyang kalusugan. Sa kanyang Instagram account, ipinakita niya ang kanyang blood sugar glucose test kit na may reading na "525 mg/dL."
“Lagi kong iniisip na healthy ako. Wala akong sweet tooth, bihirang mag-junk food, pero noong isang taon, nalaman ko na may Type 2 Diabetes na pala ako,” ani Sam.
“Walang diabetes ang parents at grandparents ko. Sana nagpatingin ako ng mas maaga, nung pre-diabetes pa lang. Ang payo ko - huwag ipagwalang-bahala ang mga sintomas (lagi akong nauuhaw at madalas umihi) at magpacheck-up nang regular,” dagdag pa niya.
Sa mabilis na pagsasaliksik sa Google, lumalabas na ang blood sugar level na 500 mg/dL ay itinuturing na sobrang delikado at nangangailangan ng agarang atensyon.
“Kung makaranas ng blood sugar levels sa range na ito, kontakin agad ang iyong healthcare provider o humingi ng emergency medical care,” ayon sa website ng Sahyadri Hospital.
Ayon sa Mayo Clinic, kung hindi maagapan, ang mataas na blood sugar level ay maaaring humantong sa Diabetic Ketoacidosis (DKA), na maaaring magdulot ng kamatayan.