– Bumalik nang masigla ang Mobile Legends Bang Bang Professional League (MPL) Philippines para sa ika-14 na season nito. Nagpakitang-gilas ang bagong koponang Aurora, na agad na sumampa sa tuktok ng standings, habang ang Smart Omega naman ay tahimik na pinatumba ang mga duda matapos ang isang malinis na opening week.
Nagtagumpay ang Aurora sa parehong laban nito noong weekend, laban sa Blacklist International at RSG Philippines, kaya sila ngayon ang nasa top seed matapos ang Week 1, may dalawang puntos at 4-0 na standing sa games.
Katulad nila, may dalawang puntos din ang Smart Omega, na nanalo kontra TNC, 2-0, at nagulat sa lahat nang pabagsakin ang reigning world champion Falcons AP.Bren, 2-1. Sinundan sila ng Fnatic ONIC Philippines, na winalis din ang TNC, 2-0, at nalusutan ang Blacklist International, 2-1. Parehong may 4-1 na game standing ang dalawang teams.
Nanalo naman ang reigning MPL champion Team Liquid Philippines sa kanilang opening match kontra RSG Philippines, kaya sila ngayon ang nasa ika-apat na puwesto. Ang Falcons AP.Bren naman, na natalo sa unang laban nito, ay nasa ika-limang puwesto.
Ang Blacklist International at RSG Philippines ay magkasunod sa ika-anim na pwesto, matapos matalo sa parehong laban, ngunit nakakuha ng isang game upang manatiling isang hakbang sa unahan ng TNC Pro Team, na hindi nakapagtala ng panalo noong unang weekend.
Tensyon sa Labas ng Land of Dawn
Bukod sa mga laban sa MPL arena, naging usap-usapan din ang palitan ng pahayag sa pagitan ng Aurora at Blacklist International nitong weekend.
Nag-umpisa ito nang magbigay ng pahayag si Julius "Banoobs" Mariano ng Blacklist International, na hindi umano sila tatanggap ng dating players kahit bukas ang open-transfer system. "For us, me personally, honestly no... Babalikan mo ba?" sabi ni Mariano.
Nang tanungin si Renejay "Renejay" Barcase ng Aurora matapos talunin ang Blacklist International, diretso niyang sinabi, "Una, hindi ko pa po nakakasama si Banoobs, so hindi ko po talaga siya kilala..."
Naging viral naman ang sagutan ng dalawa sa social media, na sinundan pa ng komento ni Mariano na nagsasabing tila may ginawang poaching ang Aurora kay Jan "Domeng" Delmundo, dating player ng Minana EVOS, bagamat nilinaw ng MPL Philippines na sumunod ang Aurora sa anti-poaching rules ng liga.
Habang nagtatapos ang opening weekend ng MPL Philippines, sinabi ni Mariano na bahagi lamang ito ng hype para sa season at magfo-focus na siya sa team moving forward. "Focus muna ako sa team, hindi na pwede matalo pa," aniya sa Facebook.
Magpapatuloy ang regular season ngayong Biyernes, Agosto 23, alas-5 ng hapon, kung saan maghaharap ang TNC Pro Team at Team Liquid PH, kasunod ng laban ng Smart Omega laban sa Blacklist International.