— Bagyong Pepito (Man-Yi) patuloy na lumalakas habang papalapit sa Southern Luzon at Eastern Visayas. Ayon sa PAGASA, maaaring umabot ito sa super typhoon status bago ito mag-landfall.
Huling namataan ang bagyo sa layong 235 kilometro silangan ng Catarman, Northern Samar, taglay ang hanging umaabot sa 175 kph malapit sa sentro, na may bugso hanggang 215 kph at central pressure na 940 hPa. Umaabante ito sa direksyong hilagang-kanluran sa bilis na 25 kph.
Mga Lugar na Apektado ng Signal No. 3
Luzon:
Catanduanes
Silangang bahagi ng Albay (Rapu-Rapu, Bacacay, Santo Domingo, Tabaco City, Malilipot, Tiwi, Malinao)
Silangang bahagi ng Camarines Sur (Caramoan, Presentacion, San Jose, Garchitorena, Lagonoy, Sagñay, Tigaon, Goa, Tinambac, Siruma)
Prieto Diaz sa Sorsogon
Visayas:
Silangang bahagi ng Northern Samar (Palapag, Laoang, Mapanas, Gamay, Lapinig, Catubig, Pambujan)
Hilagang-silangang bahagi ng Eastern Samar (San Policarpo, Arteche, Oras, Jipapad)
Babala ng Malalakas na Ulan at Hangin
Inaasahang magdadala ng matinding ulan si Pepito, na posibleng magdulot ng pagbaha at landslide sa mabababang lugar at kabundukan. Ang Signal No. 5 ang pinakamataas na posibleng i-anunsyo habang lumalapit ang bagyo.
Babala sa Storm Surge at Alon
Inaasahan ang storm surge na posibleng umabot sa 3 metro o higit pa, partikular sa mga baybaying dagat ng Eastern Samar, Northern Samar, Bicol Region, Quezon, Metro Manila, at ilang bahagi ng Central Luzon.
Ang mga alon ay posibleng umabot sa 14 metro sa Catanduanes, habang 9 hanggang 12 metro naman sa hilaga at silangang baybayin ng Northern Samar at Camarines Sur. Lahat ng uri ng sasakyang pandagat ay pinapayuhang huwag maglayag.
Trajectory at Outlook
Inaasahang tatama si Pepito sa Catanduanes mamayang gabi o madaling araw ng Linggo. Posibleng daanan nito ang Bicol Region, Quezon, at Central Luzon bago lumabas sa Philippine Area of Responsibility sa Lunes.
Huwag magpabaya at maghanda sa posibleng epekto ng bagyo!