–Sa wakas, nakatikim na rin ng panalo ang Choco Mucho matapos ang dalawang sunod na talo sa PVL Reinforced Conference nitong Sabado sa PhilSports Arena.
Tinalo ng Flying Titans ang ZUS Coffee sa scores na 14-25, 25-20, 25-19, 25-18 sa likod ng stellar performances nina Royse Tubino at Isa Molde.
“Sa wakas, nanalo rin tayo sa conference na ‘to. Matagal na naming hinintay ito, kahit pa sa unang dalawang laro namin,” wika ni Coach Dante Alinsunurin sa Filipino. “Medyo down kami after ng dalawang talo pero sa laro ngayon, na-maximize namin ang advantage … Sana magtuloy-tuloy ito sa mga susunod naming games.”
Sa desisyon ni Alinsunurin na paupuin si import Zoi Faki, bumuhos ng 21 attack points si Tubino at 17 points si Molde. Nag-ambag naman si Deanna Wong ng 20 excellent sets, kasama ang 12 excellent digs at 6 excellent receptions ni Molde.
Nagpamalas din si Maddie Madayag ng 9 points, kabilang na ang 2 aces, habang si Faki ay nag-ambag lamang ng 4 points. Ang standing ng Choco Mucho ngayon ay 1-2.
“Masaya lang talaga kami na nakuha ang panalo na ito para magkaroon kami ng confidence sa susunod na laro,” ani Madayag. “Makikita niyo sa first set na down pa rin kami dahil ramdam pa namin ang mga talo, pero nagpapasalamat ako kina ate Royse at Isa, pati na rin si Thang [Ponce] sa kanyang depensa at si Deanna.”
“Ano ba yung kulang kasi nandiyan naman ang skills. Nasa feeling out stage pa rin kami dahil parang totally new core sa loob,” dagdag niya.
Sa kabila ng 23-point performance ng Japanese import na si Asaka Tamaru at 12 points ni Gayle Pascual sa likod ng 20 excellent sets ni Cloanne Mondonedo, natamo ng Thunderbelles ang ikatlong sunod na talo.
Lumalaban para sa unang panalo at may momentum na sa 2-1 set advantage, mabilis na nag-lead ang Choco Mucho ng 18-5 sa fourth set.
Nagkaroon pa ng late run na 7-1 ang ZUS Coffee upang subukang pahabain ang match, pero huli na ang lahat nang bumalik si Faki sa laro at nakapuntos ng cross-court kill.
Parehong nag-commit ng errors ang dalawang teams bago tinapos ni Maika Ortiz ang laban sa isang running attack para sa inaasam-asam na panalo ng Flying Titans.
“I just reminded the team na kalimutan ang unang dalawang laro at mag-focus sa game today. Successful naman kami sa aspetong iyon pero kailangan pa rin naming magtrabaho,” ani Madayag habang naghahanda ang Choco Mucho para sa laban kontra Capital1 sa Huwebes.