— Sa kabila ng mahirap na season, excited pa rin si Coco Gauff sa kanyang US Open title defense. Sabi nga niya, kasama ng pressure ang pribilehiyo bilang defending champion—parang motto na niya ngayon na "If you defend, that means you won something before."
Sa isang press conference sa Flushing Meadows nitong Biyernes (Sabado, Manila time), ibinahagi ni Gauff na bagama’t may pressure, tingin niya mas malaking pribilehiyo na maipagtanggol ang titulo na napanalunan niya noong nakaraang taon. Ang huling Grand Slam ng taon ay magsisimula sa Lunes.
Bilang third-ranked player sa mundo, aminado si Gauff na nahirapan siya sa follow-up season matapos ang kanyang unang major title. Nakapasok siya sa semi-finals ng Australian Open at Roland Garros, pero nalaglag siya sa fourth round ng Wimbledon at nakaranas ng pagkabigo sa Olympics sa Paris.
Nang tumungtong sa Toronto, third round lang ang inabot ni Gauff at talo agad sa unang laban ng kanyang Cincinnati title defense. Ngayong taon, isang titulo lang ang naidagdag sa kanyang listahan, pero inspired pa rin siya ng mga atleta na nakilala niya sa Olympics, tulad ng 200m gold medallist na si Gabby Thomas ng America.
Sabi ni Gauff, malaking bagay ang makausap ang mga elite athletes mula sa iba’t ibang sports. Napagtanto niya na "normal lang ang nerves, normal ang pressure." Dagdag pa niya, kahit hindi madali, nakakatulong na malaman na hindi mo mag-isa pasan ang bigat ng pressure.
"Itong mga nararamdaman ko, nararanasan din pala ng ibang atleta sa kanilang sports, at sila na nga ang pinakamahusay," ani Gauff.
Bagamat frustrating ang season, may mga bagay na nagpapalakas ng loob niya, tulad ng isang komento sa kanyang TikTok.
"Sabi doon, 'you've won literally and figuratively. Why stress yourself out over a victory lap?' Naisip ko, tama nga naman. Bakit ko papahirapan ang sarili ko sa isang bagay na nakuha ko na?"
Tatlong araw na mula nang mabasa niya ang comment na iyon, at ngayon, isa na itong guiding principle para sa kanya. Mas na-relax ang mindset niya pagdating sa tournament, whether dito sa US Open, Australia, o saan mang Grand Slam sa hinaharap.
Ngunit sa kabila ng pagiging mas high-profile, sinabi ni Gauff na hindi pa rin gaanong nagbago ang buhay niya mula nang magwagi sa kanyang unang Grand Slam title noong nakaraang taon.
Matagal na raw siyang naghanda para sa mga ganitong moments, simula nang mag-breakthrough siya sa WTA tour sa edad na 15. "Kaya ngayon, mas ready na akong i-enjoy ito," wika niya.
Sa unang round ng kanyang title defense, haharapin ni Gauff si Varvara Gracheva ng France.
READ: Wala akong ginawang mali’ – Sinner, Nakaalpas sa Doping Ban