— Ang “dad bod” na kinagigiliwan ng ilan ay hindi lang basta charm o parang cute na bump sa tiyan ni Tatay. Oo nga, kadalasang bunga ito ng madalas na pag-inom ng beer, pero ayon sa mga eksperto, hindi lang alkohol ang dapat alalahanin.
Ayon kay Dr. Jimmy B. Aragon mula sa Endocrinology Section ng Makati Medical Center (MakatiMed), ang pagkakaroon ng "beer belly" ay hindi simpleng usapin ng timbang o itsura. Sa katunayan, maaari itong magdala ng iba’t ibang seryosong sakit na madalas nakatago sa panlabas na anyo.
“Ang tiyan na may sobrang taba o visceral fat ay maaaring sanhi ng sobra-sobrang calories mula sa maling pagkain, hindi lang sa pag-inom. Lumilikha ito ng taba sa paligid ng mahahalagang organo sa tiyan at nagdudulot ng pamamaga,” paliwanag ni Dr. Aragon. Ang ganitong uri ng taba ay nagpapaliit ng mga daluyan ng dugo at nagpapataas ng posibilidad ng high blood pressure.
Bukod sa high blood pressure, konektado rin ang sobrang taba sa tiyan sa panganib ng heart disease, erectile dysfunction, fatty liver disease, at Type 2 diabetes. Sa isang pag-aaral na inilathala sa Annals of Internal Medicine, natuklasang may 87% mas mataas na risk of death ang mga lalaking may beer belly kaysa sa mga kapareho ng body mass index pero may normal na waist-to-hip ratio.
Huwag mangamba—ayon sa MakatiMed, may pag-asa pa! Sa simpleng pagbabago sa pagkain at ehersisyo, kaya itong solusyonan.
“Subukang kumain ng masustansyang prutas, gulay, at whole grains, iwas sa processed food at saturated fats,” payo ni Dr. Aragon. “Hindi lang alak ang dapat bawasan; pati mga pagkaing may saturated fats tulad ng karne ng baka at baboy.”
Dagdag pa niya, mahalaga ang regular na physical activity, kahit sa maliliit na paraan. “Kahit 30 minuto ng moderate aerobic activity kada araw at dalawang beses kada linggo ng strength training ay malaking tulong. Iwasan din ang matagal na pag-upo sa trabaho.”
Walang biro—ang “beer belly” ay maaaring magdulot ng malalang sakit. Sa tamang pag-aalaga ng kalusugan, hindi lang mawawala ang unwanted belly fat kundi mababawasan pa ang health risks at giginhawa ang buhay.
READ: 'Kathryn Bernardo sumali kay Alden Richards bilang bagong Century Tuna 'Superbod'