– Dapat ituring na libre ang mga serbisyong telekomunikasyon katulad ng tubig at kuryente, ayon sa isang eksperto, dahil ang internet connection ay naging isang "karapatang pantao" sa digital na panahon.
Ayon kay Atty. Froilan Castelo, presidente ng Philippine Chamber of Telecommunication Operators at general counsel ng Globe Group, habang dumarami ang mga gawain na digitalized, nararapat lamang na bigyan ng higit na pansin ang internet connections sa pamamagitan ng pagtanggal ng bayad sa mga pasilidad na ginagamit ng mga telcos upang mapalawak ang kanilang serbisyo.
Ini-echo ni Castelo ang mga panukala ng ilang mambabatas at stakeholders na nais baguhin ang National Building Code of 1977 upang tanggalin ang lease para sa mga telecommunication infrastructure. Ito ay upang mas mapabilis ang pag-access ng mga telcos sa cell sites.
Dalawang panukalang batas, ang House Bill Nos. 8534 at 900, ang inihain sa House of Representatives na layong magbigay ng malinaw na mga patakaran at depinisyon para sa kung gaano kalaking espasyo ang dapat ilaan ng mga property developers upang magbigay ng mahahalagang serbisyong telekomunikasyon.
Sinabi rin ni Castelo na ang mga telcos sa buong mundo ay nagsisimula nang makatanggap ng suporta upang maalis ang mga regulatory roadblocks para sa kanilang infrastructure at finance builds. Dapat umano'y ganito rin ang gawin para sa mga telcos sa Pilipinas, lalo na't ang mga rentang binabayaran ng mga ito ay mas mainam na ilaan na lamang sa pagpapalawak ng kanilang kapasidad at coverage.
"Ang mga telcos sa buong mundo ay nakararanas ng pagbaba ng kita, at hindi exempted dito ang mga telcos sa Pilipinas na may mababang single-digit growths. Subalit patuloy na tumataas ang capex at opex sa industriyang ito na nangangailangan ng malaking kapital at maraming data-hungry customers, na magdudulot ng tensyon at delays sa pagbuo ng infra na makakaapekto sa serbisyo sa publiko," ani Castelo, ayon sa Insider PH.
Noong 2021, ang datos mula sa National Telecommunications Commission (NTC) ay nagpakita na mayroong mahigit 22,000 cell sites sa bansa, mas mababa sa isang-katlo ng 90,000 cell sites ng Vietnam, na pinaghahatian ng tatlong telcos. Ang Private Sector Advisory Council (PSAC) ay nagmumungkahi ng karagdagang 35,000 cell sites.
Ayon sa Asian Development Bank (ADB), ang Pilipinas ang may pinakamababang coverage rates ng telecom towers sa Southeast Asia at nangangailangan ng karagdagang 60,000 towers pagsapit ng 2031 sa mga liblib na lugar.
Binanggit din ng abogado na ang pagtanggal sa mga lease para sa mga telcos ay maaaring maging win-win situation para sa parehong partido, dahil kailangan pa rin ng mga telcos na mag-invest sa mga digital services tulad ng digital parking systems para sa mga malls at commercial establishments at digital security para sa mga condominiums.
"Sa gayon, hindi naman mapapabayaan ang mga developers dahil may mga digital services na nakalaan para sa kanila. Naniniwala ang mga telcos na ito ay isang glide-path lamang, dahil kalaunan, kailangang magkasundo ang parehong telcos at developers sa isang pure zero-rated hospitality sa mga establisimyento ng mga huli," dagdag pa niya.
Binanggit din ni Castelo na dadalhin ng mga telcos ang isyung ito kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na inaasahang susuporta dahil sa kanyang “digital mindset.”