Sa gitna ng kontrobersiya, nakatakdang suriin ng Senado ang panukalang batas ukol sa diborsyo na kamakailan ay lumusot sa ikalawang pagbasa sa Kamara. Ayon kay Senate President Juan Miguel "Migz" Zubiri, kailangan pag-aralan ng mga senador ang House Bill No. 9348 na naglalayong muling ipatupad ang diborsyo sa bansa bilang paraan ng pagpapawalang-bisa ng kasal.
“Kinakailangan muna nating pag-aralan ito,” ani Zubiri, na hindi na nagbigay pa ng karagdagang detalye. Sa kasalukuyan, may apat na nakabinbing panukala sa Mataas na Kapulungan—ang Senate Bills 147, 213, 237, 554, 555, 1198, at 2047 na pinagsama-sama sa ilalim ng SB 2443, isang batas na naglalayong palawakin ang mga batayan para sa pagpapawalang-bisa ng kasal at magpatupad ng diborsyo na isinusulong nina Senadora Risa Hontiveros, Raffy Tulfo, Robinhood Padilla, Pia Cayetano, at Imee Marcos.
Bagama't bukas si Zubiri sa pag-aaral ng diborsyo, mariing tinututulan ito ni Senate Majority Leader Joel Villanueva, isang Kristiyano, na nagsabing, “Hindi na kailangan pag-aralan pa.”
“Hindi ako pabor. Walang kailangan pag-aralan,” ani Villanueva. Anak siya ni Eddie Villanueva, isang ebanghelista at pangulo-tagapagtatag ng Jesus Is Lord Church Worldwide.
Sa ilalim ng SB No. 2443, nakasaad na maaaring humingi ang mga mag-asawa ng judicial decree of absolute divorce matapos ang limang taong paghihiwalay, tuloy-tuloy man o putol-putol, o dalawang taon mula sa paglabas ng decree of legal separation. Maaari ring maghain ng absolute divorce kung may naganap na panggagahasa na ginawa ng asawang respondent laban sa asawang petitioner, bago o matapos ang kasal, na may kasamang pisikal na karahasan o matinding abusadong asal.
Nakasaad din sa panukalang batas na ang pagiging lesbiyana o homosekswal ay hindi batayan ng diborsyo maliban na lamang kung may kinalaman sa pagtataksil sa asawa. Kinikilala rin ng panukala ang mga pinal na decree ng absolute divorce na nakuha sa ibang bansa ng sinumang mamamayang Pilipino.
Bukod dito, ang hindi naayos na alitan sa pag-aasawa o irreparable breakdown of marriage, matapos ang mandatory 60-day cooling-off period, ay itinuturing na valid grounds para sa diborsyo. Panghuli, kinikilala rin ng panukala na ang annulment o dissolution ng kasal na pinahintulutan ng isang simbahan, relihiyosong grupo, o tradisyunal na kaugalian ng Indigenous Cultural Community o Indigenous Peoples ay may parehong bisa tulad ng court decree ng divorce, annulment, dissolution, o declaration of nullity.
Ang diskusyon sa panukalang batas na ito ay naglalahad ng malalim na usaping kultural at relihiyoso na bumabalot sa isyu ng diborsyo sa Pilipinas, isang bansang karamihan ay Katoliko at kung saan ang diborsyo ay kasalukuyang hindi pa legal na kinikilala.
Ang usapin ng diborsyo sa Pilipinas ay nananatiling masalimuot at puno ng emosyonal na debate, na sumasalamin sa mga pananaw at paniniwala ng isang bansa na mahigpit na nakatali sa tradisyon at relihiyon.
READ: Zubiri Umapela sa Telcos: Palakasin ang Signal sa Pag-asa Island